State of emergency....
This just in. President Gloria Macapagal-Arroyo has signed Proclamation No. 1017 declaring a state of emergency.
I guess the threats made a few days ago weren't so idle after all.
The following is the full text of her televised statement making the declaration:
Mga kababayan:
Nagdeklara ako ng State of Emergency dahil sa maliwanag at kasalukuyang banta sa republika na ating napag-alaman at napigil.
May ilang sumubok lumihis sa Armed Forces chain of command, lumabag sa gobyernong sibil, at magtatag ng rehimen sa labas ng saligang batas.
Nabuwag natin ang pakanang ito. Kasama sa pagkilos natin ang pagdakip ng mga militar at sibilyang magkakasabwat. At hindi rin palalampasin ang mga nagbibigay ng salapi at suportang pulitika sa pag-aalsa.
Napigil na ng pamahalaan itong iligal na pagkilos. Maliban sa ilang tumiwalag, nasa puwesto at matapat sa linya ng pamunuan ang lahat ng opisyal na militar hanggang sa mga batalyon. Bilang commander-in-chief kontrolado ko ang sitwasyon.
Katatapos ko lamang pulungin ang aking gabinete na nagkakaisa at buo ang loob na ipagpatuloy ang serbisyo publiko sa kabila ng kalagayan ng seguridad. Nananawagan ako sa lahat ng ating mga pamahalaang lokal na patuloy ring maglingkod. Hindi dapat malagay sa alanganin ang kaligtasan at kabuhayan ng tao.
Samantala, ipinapaubaya ko sa pinuno ng AFP at hepe ng PNP ang mga nararapat na pagkilos. Mag-uulat sila sa media hinggil sa mga darating na pangyayari.
Mag-uulat naman ang Secretary of Foreign Affairs sa mga embahador.
Ito ang babala ko sa mga nagbabalak laban sa bayan: babagsak sa inyong pagtataksil ang buong bigat ng batas. Ipinahahamak ninyo ang mahihirap sa inyong paghatak ng bansa palayo sa ating nararapat na antas sa daigdig bilang kuta ng pagkakaisa, pagsasakripisyo, pagmamalasakit at kahusayan sa mundo. Kinakalas din ninyo ang ekonomiya sa kaniyang mga tumatatag na saligan.
Mga kababayan, hinihiling ko naman sa inyong lahat na manatiling mahinahon. Nananawagan ako sa media na iulat ang mga pangyayari sang-ayon sa tungkulin sa bayan, at huwag palampasin ang mga nakakasamang alingasngas at maling balita.
Salamat sa inyong pananalig sa bayan at sa ating magandang hinaharap. Pagpalain nawa ng diyos ang sambayanang pilipino.
Comments
watch out for the lemons, guys